Ika-5 dikit target ng Choco Mucho

MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ng Choco Mucho ang pang-limang sunod na ratsada habang ang unang back-to-back wins ang hangad ng Nxled sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Maghaharap ang Flying Titans at Chameleons ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang bakbakan ng Cignal HD Spikers at ZUS Coffee Thunderbelles sa alas-6:30 ng gabi sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Patuloy ang dominasyon ng nagdedepensang Creamline sa kanilang 9-0 record kasunod ang Petro Gazz (8-1), Cignal (6-3), PLDT (6-3), Choco Mucho (6-3), Akari (5-5), Chery Tiggo (5-5), ZUS Coffee (4-5), Farm Fresh (4-6), Galeries Tower (1-8), Capital1 Solar Energy (1-9) at Nxled (1-8).
Ang team standings ay ibinabase sa total points.
Sa tournament format, ang top teams sa 12-squad tournament ay sasagupa sa mga lower-seeded teams sa knockout rounds.
Ang mga mananalo ay sasampa sa quarterfinals habang paglalabanan ng mga matatalong tropa ang huling dalawang tiket sa isang play-in tournament.
Nasa four-game winning streak ang Flying Titans matapos matalo sa Cool Smashers, samantalang nakamit ng Chameleons ang una nilang panalo matapos ang 15-game losing slump.
Hinataw ng Choco Mucho ang Akari, 21-25, 25-19, 25-23, 25-15, sa huli nilang laro tampok ang 18 points ni Sisi Rondina.
“Happy, kasi unti-unti, we’re reaching the goal na gusto naming marating, so masaya kami na ganito,” ani setter Deanna Wong sa kanilang panalo.
Sumampa naman sa win column ang Nxled matapos ang 25-20, 19-25, 25-14, 25-23 pagdaig sa Galeries Tower.
Bukod kina Rondina at Wong ay muli ring aasahan ng Flying Titans sina Dindin Santiago-Manabat, Isa Molde, Maika Ortiz, Cherry Nunag at Des Cheng.
Itatapat ng Chameleons sina EJ Laure, Chiara Permentilla, May Luna-Lumahan, Jaycel delos Reyes, Lycha Ebon at Jaila Atienza.
- Latest