Mananaya pinabilib ni I Love Matty
MANILA, Philippines — Nasilayan ng mga karerista ang husay ng I Love Matty sa karerahan matapos nitong angkinin ang panalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas, Noong Sabado ng hapon.
Ginabayan ni jockey JB Guerra, pinadaan nito sa tabing balya ang I Love Matty upang sikwatin ang panalo sa event na pinasibat sa unang race.
Pang-lima sa largahan ang I Love Matty, pinanood lang nito sa unahan ang matulin sa largahan na Chase The Gold, pangalawa ang Let It Shine , tersero ang Sinag habang nasa pang-apat ang Lava Walker.
Hindi nagbago ang pagkakahilera ng puwesto sa kalagitnaan ng karera pero habang papalapit sa far turn ay unti-unti na rin umuusad sa unahan ang I Love Matty.
Pagdating sa huling kurbada ay swak sa balya ang I Love Matty kaya naman nakuha na nito ang bandera sa huling 150 metro ng karera.
Tinawid ng I Love Matty ang finish line ng may isang kabayo ang agwat sa pumangalwang Sinag, pangatlo ang Lava Walker habang pumang-apat ang Raxa Bago.
Nilista ng I Love Matty ang tiyempong 1:31 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner ang P10,000 added prize.
- Latest