Meralco binalikan ang Brgy. Ginebra
MANILA, Philippines — Nakahirit ng Game Three ang No. 5 seed Meralco matapos maitakas ang 108-104 panalo kontra sa No. 4 Barangay Ginebra sa Game Two ng kanilang 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup best-of-three quarterfinal series kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Muntikang malustay ng Bolts ang 10 puntos na bentahe sa huling apat na minuto bago mapigilan ang ‘nevery-say-die’ comeback spirit ng Gin Kings upang maiganti ang 92-100 kabiguan nila sa Game One.
Magtutuos muli ang magkaribal bukas sa Ynares Center sa Antipolo City para pag-agawan ang karapatang hamunin ang No. 1 NorthPort sa best-of-seven semifinals series.
Wagi ang NorthPort sa No. 8 Magnolia, 113-110, upang makaabante agad sa Final Four.
Nagawa ito ng mga bataan ni coach Luigi Trillo sa pamumuno ng 24 points, 2 rebounds at 5 assists ni Chris Newsome.
Nag-ambag din ng 17, 15 at 14 markers sina Cliff Hodge, Jansen Rios at Bong Quinto, ayon sa pagkakasunod.
Tumapos si import Akil Mitchell na may triple-double na 13 points, 17 rebounds at 10 assists.
Kagaya ng kanilang mga dikdikang duwelo, nagpalitan ng suntok ang Meralco at Ginebra sa first half bago kumawala ang Bolts sa second half.
Nakapag-ipon ng 12 puntos na abante ang Bolts sa third quarter at komportable pa sa 108-99 kalamangan sa huling dalawang minuto bago abutan ng Gin Kings sa 88-104 sa huling 34 segundo sa orasan.
- Latest