NorthPort tinapos agad ang Magnolia
MANILA, Philippines — Sinulit ng No. 1 seed na NorthPort ang bentahe nito matapos ilaglag agad ang No. 8 seed na Magnolia sa isang subok lang, 113-110, upang makaabante na sa semifinals ng 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Armado ng twice-to-beat advantage ang Batang Pier at hindi na nagpatumpik-tumpik pa sa kabila ng muntikang balikwas ng Hotshots sa dulo para makaiwas sa potensyal na winner-take-all Game 2,
Martsa na sa Final Four ang mga bataan ni coach Bonnie Tan kontra sa lulusot sa best-of-three series ng No. 4 seed na Barangay Ginebra at No. 5 seed na Meralco.
Lamang ang Ginebra sa serye, 1-0, matapos ang 100-92 panalo sa Game 1.
Anim na players ang nagkapit-bisig para sa NorthPort sa trangko ng super import na si Kadeem Jack matapos itong tumabo ng 30 puntos, 10 rebounds, 3 assists, 5 steals at 3 tapal.
Hindi nagpahuli ang super scorer na si Arvin Tolentino na tumikada ng 25 puntos sahog pa ang 4 rebounds, 4 assists, 1 steal at 2 tapal habang may 15 puntos din si Will Navarro.
Umalalay sa kanila sina Evan Nelle at Allyn Bulanadi na may tig-12 puntos habang may 10 puntos din si Cade Flores para sa Batang Pier, na hindi na pinahirit pa ang Hotshots tungo sa pagbabakasyon.
Subalit hindi ito naging madali matapos maiwan muna sa first half ang NorthPort ng hanggang 14 puntos, 43-57.
- Latest