Amit naghahanda na para sa mga lalahukang torneo
MANILA, Philippines — Puspusan ang paghahanda ni WPA World Champion Rubilen “Bingkay” Amit sa mga lalahukang billiards tournament ngayong taong 2025.
Nakatakdang tumumbok ng 43-anyos na si Amit sa Las Vegas Women’s Open na lalaruin sa Rio All Suite Hotel sa Nevada, USA sa Pebrero 25 hanggang Marso 1.
Paniguradong mapapalaban sa tumbukan si 2009 at 2013 WPA 10-Ball Championship queen at 2024 WPA 9-Ball Championship ruler Amit dahil mga matitinding bilyarista sa buong mundo ang kanyang makakaharap.
Nakataya ang $75,000 guaranteed prize sa event na kasali ang 64 players sa main draw.
Pagkatapos ng nasabing tournament ay sasabak din si Amit sa Las Vegas Mixed Doubles kung saan ay makakatambal niya si 2010 WPA World Nine-ball Championship king Francisco “Django” Bustamante.
Nakaraang buwan lamang ay tumanggap ng parangal si Amit sa 2024 San Miguel Corporation - Philippine Sportswriters Association Awards Night na ginanap sa Centennial Hall sa Manila Hotel.
Samantala, sasalihan din ni Amit ang prestihiyosong World Games na gaganapin sa Chengdu, China sa Agosto.
- Latest