Eldrew naghahanda para sa Asian meet, World Juniors
MANILA, Philippines — Nakasentro ang atensiyon ni Karl Eldrew Yulo sa Asian Gymnastics Junior Championships at ang World Junior Championships na pinakamalaking torneong lalahukan nito ngayong taon.
Hangad ni Yulo na makasiguro ng podium finish sa dalawang naturang torneo.
Kaya naman puspusan na ang ginagawa nitong training para matiyak na nasa perpektong kundisyon ito bago sumalang sa laban.
“Everyday ako nagte-training kahit wala yung coach ko nagte-train pa rin ako para mas lalo ko pang mahasa yung performance ko,” ani Yulo
Kasalukuyang hawak si Yulo ni Japanese coach Munehiro Kugimiya — ang coach ng nakatatanda nitong kapatid na si Carlos Edriel o mas kilala sa tawag na Caloy.
Si Kugimiya ang humubog kay Caloy na sumungkit ng dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics. Ngunit naghiwalay ng landas ang dalawa noong 2023.
Gayunpaman, hindi pa rin iniwan ni Kugimiya ang Pilipinas dahil patuloy pa rin nitong tinutulungan si Eldrew sa kanyang training.
Sumailalim sa training camp si Eldrew sa Japan noong Oktubre kung saan marami aniya itong natutunan.
- Latest