Gin Kings mapapalaban sa Eastern

MANILA, Philippines — Makikipagtagayan ang Barangay Ginebra sa da­yong Hong Kong Eastern habang winning streak ang tangkang maibuhol ng San Miguel kontra sa Blackwater sa 2024 PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Ynares Sports Center sa Antipolo.

Wala pang mantsa ang Gin Kings sa dalawang salang subalit masusubukan kontra sa HK (4-1) sa alas 7:30 ng gabi pagkatapos ng duwelo sa pagitan ng Beermen (2-2) at Blackwater (1-3).

Nabinyagan ng SMB ang pagbabalik ni Leo Austria bilang head coach matapos ang 106-88 panalo kontra sa Terrafirma upang maputol ang two-game lo­sing skid habang nakaisa sa wakas ang Bossing kontra sa Meralco, 114-98.

Ang makakalusot ay makakaangat sa gitna ng standings subalit ang a­tensyon ay nasa gitgitan ng Gin Kings at Eastern sa tuktok ng 13-team field.

Mula sa matagal na pahinga bilang finalist ng Governors’ Cup, namulutan agad ng 2 sunod na pa­nalo ang Ginebra kontra sa Phoenix, 94-72, at NLEX, 109-100, para sa mabilis na segunda puwesto sa pangunguna ng import na si Justin Brownlee.

NorthPort, na may 5-0 kartada, lang ang nasa unahan ng mga bataan ni coach Tim Cone at makakadikit dito kung matatakasan ang palabang HK team na sa kabilang banda ay galing din sa two-game win streak.

Nalasap ng HK ang unang kabiguan kontra sa Rain or Shine, 99-81, subalit nakabalikwas agad sa Talk ‘N Text, 105-84, at Blackwater, 84-75.

Matatandaang Ginebra ang tumalo sa huling guest team na Bay Area Dragons noong 2023 PBA Commissioner’s Cup finals tampok ang 54, 589 fans sa Game 7 sa Philippine Arena.

Ngayon, hangad ng Gin Kings na mapataob uli ang bisita lalo’t inaasahan din ang dagsa ng crowd sa Antipolo upang masilayan ang bagong player na si Troy Rosario.

Show comments