MANILA, Philippines — Ikinahon ni Pinoy woodpusher Christian Gian Karlo Arca ang rapid gold sa 18th Asian Schools Chess Championships na inilaro sa Bangkok, Thailand.
Nakipaghatian ng puntos ang 15-anyos na si Arca kay Turkmenistan Serdar Bayramov sa 43 moves ng Queen’s Pawn game sa seventh at final round upang irehistro ang 5.5 points sa event na ipinatupad ang seven rounds swiss system at may 15 minutes plus five seconds increment.
Kaparehong puntos ni Arca si Mongolian FM Khishigbat Ulziikhishig subalit matapos idaan sa tiebreak ay nagkampeon ang una.
Pangatlong gold medal na ang naikuwintas ni Arca matapos kuminang sa individual at team blitz kasama sina Lemuel Jay Adena at Oscar Joseph Cantela noong Martes.
Maliban sa triple-gold ni Arca, nakalikom na rin ang Pilipinas ng tatlong silvers mula kina Arleah Cassandra Sapuan at Kate Nicole Ordizo at Beatrice Ann Bombales na nakapag-uwi ng team bronze sa girls’ Under-17 rapid division.