Farm Fresh itutuloy ang suwerte
MANILA, Philippines — Ang ikatlong sunod na panalo ang target ng Farm Fresh sa pagsagupa sa minamalas na Choco Mucho sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Lalabanan ng Foxies ang Flying Titans ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang banggaan ng nagdedepensang Creamline Cool Smashers at ZUS Coffee Thunderbelles sa alas-4 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Mula sa 0-2 panimula ay dalawang dikit na ratsada ang ginawa ng Farm Fresh (2-2) mula sa mga 25-23, 25-21, 25-14 pagdaig sa Akari (3-3) at 26-24, 13-25, 25-21, 25-19 pagtakas sa ZUS Coffee (2-2).
Nakalasap naman ang Choco Mucho ng 18-25, 18-25, 25-20, 22-25 kabiguan sa Cignal HD (4-0) at 22-25, 20-25, 32-30, 20-25 talo sa Creamline (3-0).
“Kailangan pang masanay silang lumaban at maglaro ng mas marami pang matches,” ani Foxies’ coach Benson Bocboc na muling sasandal kina Trisha Tubu, Alyssa Bertolano, Louie Romero, Rizza Cruz at Janel Delerio.
Itatapat ng Flying Titans sina Sisi Rondina, Dindin Santiago-Manabat, Kat Tolentino, Royse Tubino, Isa Molde at Chery Nunag.
Sa unang laro, ang pagsosyo sa HD Spikers sa liderato ang hangad ng Cool Smashers sa pakikipagkita sa Thunderbelles na napigilan ang two-game winning run.
Sina Jema Galanza, Alyssa Valdez, Michelle Gumabao, Bernadeth Pons, Bea De Leon at Kyle Negrito ang muling bibida sa Creamline kontra kina Thea Gagate, Jovelyn Gonzaga, Chinnie Arroyo, Michelle Gamit at Chai Troncoso ng ZUS Coffee.
- Latest