MANILA, Philippines — Hindi na pinakawalan ng Mapua University ang pagkakataon para angkinin ang korona ng NCAA Season 100 men’s basketball tournament.
Pinatumba ng Cardinals ang College of St. Benilde Blazers sa Game Two, 94-82, para kumpletuhin ang 2-0 pagwalis sa kanilang championship series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tinapos ng Mapua ang 33 taong pagkauhaw sa titulo na huli nilang nakamit noong 1991 mula sa isang game-winning putback ni Benny Cheng laban sa San Beda sa Game Three ng NCAA Finals.
Si Joel Banal ang coach ng nasabing champion team.
“Siyempre, tuwang-tuwa ako kasi finally at nakuha na namin after three times na nakapasok sa finals,” ani mentor Randy Alcantara na miyembro ng 1991 team ni Banal. “Hindi ko alam kung paano ma-explain. Sine-share ko ito sa mga kasama kong coaches at sa mga players.”
Tumipa si Cyrus Cuenco ng 19 points, 4 assists at 2 rebounds habang may 18 at 15 markers sina Finals MVP Clint Escamis at Rookie of the Year Chris Hubilla, ayon sa pagkakasunod.
Bigo ang St. Benilde, una at huling naghari noong 2000, na makahirit ng ‘winner-take-all’ Game Three.
Ito ang pang-pitong kampeonato ng Intramuros-based team na sinibak ang St. Benilde, 2-0, sa kanilang best-of-three titular showdown matapos ang 84-73 panalo sa Game One.