Romeo, Manuel ibinigay ng SMB sa Terrafirma

MANILA, Philippines — Pinakawalan ng San Miguel ang dalawang beterano nitong sina Terrence Romeo at Vic M­anuel papunta sa Terrafirma kapalit sina Juami Tiongson at Andreas Cahilig para sa matinding balasahan bago ang 2024 PBA Commissioner’s Cup bukas sa PhilSports Arena sa Pasig.

Kasado na ng PBA Commissioner’s Office ang two-on-two trade na bahagi ng pagpapalakas ng dalawang koponan matapos ang Governors’ Cup.

Makikilatis sina Tiongson at Cahilig para sa Beermen kontra sa NLEX sa Disyembre 3 habang masusubukan agad sina Romeo at Manuel para sa Dyip bukas kontra sa pinalakas na Converge.

Nangulelat sa katatapos lang na conference ang Dyip hawak ang 1-9 kartada habang sa ikala­wang sunod na conference ay bigong mag-kampeon ang powerhouse na Beermen.

Inaasahan ng Terrafirma na matutulungan sila nina Romeo at Manuel na mabago ang ihip ng ha­ngin lalo’t hitik sila sa karanasan at kampeonato kasama ang Beermen.

Wagi ng 3 championships si Romeo sa SMB na Finals MVP pa noong 2019 Commissioner’s Cup habang nakapagbulsa ng 2 titulo si Manuel.

Dating No. 5 overall pick ng Globalport, na NorthPort na ngayon, si Romeo noong 2013 PBA Rookie Draft habang No. 9 pick naman sa 2012 draft class si Manuel.

Bukod sa kampeo­nato, 3-time PBA Scoring Champion, 3-time All-Star Game MVP at Mythical First Team din ang dating UAAP MVP na si Romeo habang Mr. Quality Mi­nutes naman si Manuel.

 

Show comments