MANILA, Philippines — Tiyak na hindi sasayangin ng Adamson University ang pagkakataon kaya gagawin nila ang lahat para talunin ang Ateneo de Manila University sa huling araw ng elimination round sa UAAP Season 87 men’s basketball tournament.
Maghaharap ang Adamson at Ateneo ngayong alas-5:30 ng hapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Nasa fifth place ang Soaring Falcons tangan ang 5-8 karta, habang nakapuwesto sa No. 4 ang University of the East na may 6-8 record kaya malaki ang tsansa ng una na makapasok sa Final Four.
Noong naglaban ang University of the Philippines at UE, nanalangin ang Adamson na matalo ang UE upang manatili ang kanilang tsansa sa asam na Final Four.
Pero ayon kay Adamson coach Nash Racela, kahit natulungan sila ng UP dahil tinalo nila ang UE ay wala rin mangyayari kung hindi sila makakadalawang panalo.