Lady Generals ‘di nakaporma sa Lady Chiefs

Hinatawan ni Lyka Tudlasan ng Arellano University sina Nicole Sayado at Rhea Magalona ng Emilio Aguinaldo College.
SSL photo

MANILA, Philippines — Walang kahirap hirap na dinispatsa ng Arellano University ang Emilio Aguinaldo College, 25-17, 25-16, 25-12 sa 2024 Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-season Championship na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz kahapon.

Tinapos ng Lady Chiefs ang Lady Grenerals sa loob lamang ng isang oras at 26 minuto upang ilista ang 1-0 karta at samahan sa tuktok ng Pool A ang Ateneo Blue Eagles.

Pinamunuan ni Laika Tudlasan ang opensa para sa Lady Chiefs matapos ilista ang 10 points kasama ang nine kills habang may walo at anim na puntos ang binakas nina Kacelyn Punzalan at Mauie Maga­ling, ayon sa pagkakasunod sa event na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea at Summit Water.

“Grateful po kami kasi preparations po namin sabi ng mga coaches na ngayon na yung test na maa-apply yung pinaghirapan namin for months,” ani Tudlasan.

Matapos ang magaan na panalo sa sets 1 at 2, ginanahan ang Lady Chiefs sa set three, hinawakan nila ang 11-point lead, 15-4 at lumobo pa sa 13 points matapos ang block hit ni Pauline De Guzman.

Samantala, nakuha ng Blue Eagles ang panalo noong Sabado ng gabi nang dagitin nila ang San Beda University, 22-25, 20-25, 25-21, 25-21, 15-7.

Show comments