MANILA, Philippines — Nasikwat ni World Juniors Championships semifinalist Jasmine Mojdeh ang kanyang ikalawang tansong medalya sa 13th Asean Schools Games swimming competitions na ginaganap sa Da Nang, Vietnam.
Naglatag ang Brent International School-Manila standout ng matinding puwersa para masiguro ang podium finish sa girls’ 200m butterfly kung saan nagtala ito ng dalawang minuto at 20.11 segundo.
Nanguna si Michelle Surjadi Feng ng Indonesia na may 2:16.44, habang pumangalawa si Tuyet Han Nguyen ng host Vietnam na may 2:18.43.
Ito ang ikalawang medalya ni Mojdeh sa torneo kung saan nakasikwat din ito ng tanso sa girls’ 100m butterfly sa second day ng kumpetisyon.
“I am so proud of you my lovely Jasmine. She may have the most beautiful smile but behind that, she has cried so many times. She struggled harder like most athletes. Especially in the transition period of her life,” ani Joan Mojdeh, ang ina ni Jasmine.
Napantayan din ni Mojdeh ang dalawang tansong medalyang nakuha nito noong 2019 edisyon sa Semarang, Indonesia.
Magandang regalo ito para kay Mojdeh na nagdiwang ng kaniyang ika-18 kaarawan noong Hunyo 7.
“Nobody is immune to pain, heartache or failures or mistakes. But what makes her so admirable is that despite the fear, despite the pain, she always learn to stand up,” wika ni Joan.
Kinapos naman si Shania Joy Baraquiel ng University of Perpetual Help System Dalta na nagtapos sa ikaapat na puwesto sa girls’ 50m backstroke sa kanyang 30.71 segundo.