MANILA, Philippines — Muling namayagpag ang bandila ng Pilipinas nang masuntok ni Melvin Jerusalem ang World Boxing Council (WBC) minimumweight crown.
Nairehistro ni Jerusalem ang split decision win laban kay Japanese fighter Yudai Shigeoka para angkinin ang WBC title sa labang ginanap sa International Conference Hall sa Nagoya, Japan noong Linggo ng gabi.
Magandang panalo ito hindi lamang para kay Jerusalem kundi maging sa buong Pilipinas dahil siya ang bukod tanging world champion na Pinoy sa kasalukuyan.
Binasag din ni Jerusalem ang Japanese curse kung saan sunud-sunod na natalo ang mga Pinoy fighters na lumaban sa Japan gaya ni dating world champion Jerwin Ancajas na natalo kay Takuma Inoue kamakailan.
Lumabas ang lahat ng pinaghandaan nito sa training kung saan dalawang beses nitong napatumba si Shigeoka.
Una sa third round matapos kumunekta si Jerusalem ng solidong atake, habang ang ikalawa ay noong ikaanim na kanto para muling pataubin ang Japanese pug.
Sa pagtatapos ng laban ay pumabor kay Jerusalem ang dalawang hurado na nagbigay ng parehong 114-112 puntos.
Umangat si Jerusalem sa 22-3 rekord tampok ang 12 knockouts.