MANILA, Philippines — Ipinakita ng Batang Manda ang kanyang husay sa pista matapos nitong sungkitin ang panalo sa 2024 PHILRACOM “3-Year-Old Maiden Stakes Race” na nilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas, Linggo ng hapon.
Napasaya ng Batang Manda ang mga liyamadista nang dominahin ang anim na kabayong katunggali.
Humarurot sa largahan ang Batang Manda na sinakyan ni former Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Patricio Ramos Dilema pero kinapitan agad ito ng Feet Bell mula sa Bell Racing Stable.
Pagdating sa kalagitnaan ng karera ay abante ang Feet Bell ng leeg sa Batang Manda at nagtagisan ang dalawa ng bilis sa unahan.
Papalapit ng far turn ay kumuha na ng unahan ang Batang Manda at nilamangan nito ang Feet Bell ng dalawang kabayo.
Pagsapit ng huling kurbada ay lumayo pa sa unahan ang Batang Manda habang nasa segundo puwesto na ang Boss Lady.
Tinawid ng Batang Manda ang finish line ng may apat na kabayong agwat sa segundang Boss Lady, tersero ang Added Haha.
Nilista ng Batang Manda ang tiyempong 1:25.8 minuto sa 1,400 meter race at ibulsa ng winning horse owner na si Benjamin Abalos Jr. ang P720,000 premyo.