MANILA, Philippines — Wagi uli ang Asia All-Stars, sa pangunguna ng Filipino imports, kontra sa Rising Stars, 127-115, sa 2024 Japan B. League All-Star Game sa Okinawa Arena.
Kumamada ng 18 puntos si Pinoy import Carl Tamayo ng reigning B. League champion na Ryukyu Golden Kings upang trangkuhan ang ikalawang sunod na tagumpay ng Asian reinforcements kontra sa mga local players ng Japan.
Sumuporta kay Tamayo sina Chinese Liu Chuanxing ng Altiri Chiba at Korean Lee Daesung ng Seahorse Mikawa na may 15 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Hindi rin nagpahuli ang ibang Pinoy aces tulad nina twin towers Kai Sotto ng bagong team niya na Yokohama B-Corsairs at Greg Slaughter ng Rising Zephyr Fukuoka na may tig-9 na puntos.
Nag-ambag naman ng tig-8 sina Matthew Wright ng Kyoto Hannaryz at Roosevelt Adams ng Yamagata habang may 7 markers din sina Ray Parks ng Nagoya Diamond Dolphins.
Swak din ang 5 points at 10 assists ni RJ Abarrientos ng Shinshu Brave Warriors pati na ang 6 at 5 points ng magkapatid na sina Kiefer Ravena ng Shiga Lakestars at Thirdy Ravena ng San-en NeoPhoenix, ayon sa pagkakasunod.
Nagsilbing kapitan ng Asia All-Stars si Dwight Ramos ng Levanga Hokkaido na nag-ambag din ng 6 points.
Nauna nang umiskor ang Asia All-Stars, tampok ang mas maraming Filipino imports, ng 118-114 panalo kontra B. League Rising Stars noong nakaraang edisyon.