‘Pagreretiruhin ko si Pacquiao’--Spence

MANILA, Philippines — Nagyabang si reigning World Boxing Council (WBC) at International Boxing Federation (IBF) welterweight champion Errol Spence Jr. na pagreretiruhin nito si eight-division world champion Manny Pacquiao.

Nakatakda ang salpukan nina Spence at Pacquiao sa Agosto 21 (Agosto 22 sa Manila) sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada.

At naniniwala si Spence na sa oras na matapos ang laban, siguradong magreretiro si Pacquiao sa mundo ng boksing. “I think he’ll definitely retire after this fight,” ani Spence sa panayam ng Showtime.

Tiwala si Spence na madedepensahan nito ang kanyang dalawang korona laban kay Pacquiao.

Ngunit hindi nilinaw ni Spence kung patutumbahin nito si Pacquiao via knockout. “I don’t know, we’ll see. You’ll have to tune in and order,” ani Spence.

Aminado si Pacquiao na ito ang pinakamalaking hamon sa kanyang boxing career.

Kaya naman puspusan ang training nito sa Wild Card Gym sa Hollywood, California dahil nais nitong maihanda ng lubos ang kanyang sarili.

At sa oras na lumabas ang bagsik ni Pacquiao, walang dudang mahihirapan ng husto si Spence bago maisakatuparan ang pangarap nitong “retirement” para sa Pinoy champion.

 

Show comments