Antipolo City, Philippines — Tuluyan nang nakakuha ng tiket ang Basilan sa playoffs habang halos nakapasok na ang Iloilo at desperado naman ang Caloocan na makaabante sa Chooks-to-Go MPBL Lakan Season sa Ynares Center dito kamakalawa ng gabi.
Ginupli ng Basilan Steel ang Rizal Xentro Mall Golden Coolers, 103-85 para sa kanilang ikaapat na sunod na panalo at itaas sa 18-10 ang kanilang record para sa third spot sa South division.
Nakabangon ang Steel mula sa 67-70 pagkakaiwan matapos ang third quarter sa likod ni Allyn Bulanadi para ihulog ang 18-4 bomba na nagbaon sa Golden Coolers sa 88-71 sa gitna ng final period.
Tumapos si Bulanadi na may 25 points at 5 rebounds para sa Jumbo Plastics-backed Basilan ni head coach Jerson Cabiltes.
Ang top four finishers matapos ang single round-robin eliminations ang magkakaroon ng homecourt edge sa 8-team playoffs ng dalawang dibisyon.
Tinakasan naman ng Iloilo United Royals ang Biñan City Luxxe White Krah, 67-64 para sumosyo sa fifth spot sa South tangan ang 17-11 marka.
Nakahugot ang Royals kay Al Francis Tamsi ng 24 points, 5 rebounds at 4 assists at nagtala si Richard Escoto ng 11 points at 7 rebounds .
Samantala, bumandera si Paul Sanga, para tulu-ngan ang Caloocan Supremos sa 63-62 paglusot laban sa Muntinlupa Cagers.
Naglista si Sanga ng 15 points at 5 rebounds habang may 14 at 12 markers sina Cedric Labing-isa at John Carlos Escalambre, ayon sa pagkakasunod, para sa Supremos.
Pinaganda ng Caloocan ang kanilang kartada sa 15-13 sa ilalim ng eighth-ranked Pasay Voyagers (15-12) sa North division.