LAS VEGAS, Nevada — Sa kanyang pagbabalik sa Octagon ay nagtala si dating two-division champion Conor McGregor ng impresibong panalo.
Pinabagsak si McGregor si Donald Cerrone sa unang 40 segundo sa first round sa kanilang upakan sa UFC 246 kahapon.
Ito ang unang laban ni McGregor matapos matalo sa kanyang lightweight title bout kay Khabib Nurmagomedov 15 buwan na ang nakakaraan.
Ito rin ang unang panalo ni McGregor matapos noong Nobyembre ng 2016 sa Madison Square Garden kung saan niya tinalo si Eddie Alvarez para makopo ang UFC lightweight title at maging kauna-unahang simultaneous two-weight champion.
“I feel really good, but I came out of here unscathed. I’m in shape. We’ve got work to do to get back to where I was,” sabi ng 31-anyos na Irishman sa kanyang post-fight interview.
Kaagad pinadugo ni McGregor ang mukha ni ‘Cowboy’ Cerrone sa pamamagitan ng kanyang matutulis na balikat.
At nang kumawala si McGregor sa kanilang pagkakabigkis ay kumonekta siya ng isang head kick na nagpauga sa American warrior.
Pinagsusuntok ni McGregor si Cerrone na nagtulak kay referee Herb Dean na ihinto ang laban.
Nagsilbi si McGregor ng six-month suspension at pinagmulta ng $50,000 sa gulong nangyari matapos ang laban nila ni Nurmagomedov.
Idinemanda si McGregor dahil sa panununtok sa isang lalaki na tumangging tanggapin ang kanyang ‘shot’ ng whiskey sa isang Dublin pub.