MANILA, Philippines — Pinanatili ng Davao Occidental Tigers ang kanilang mainit na kampanya habang bumangon ang Manila Stars at Basilan Steel mula sa nauna nilang kabiguan sa Chooks-to-Go/MPBL Lakan Season kamakalawa ng gabi sa San Andres Sports Complex.
Nilapa ng Tigers ang Makati Super Crunch, 101-79, para dumiretso sa kanilang pang-limang sunod na ratsada at itaas sa 21-3 ang kartada sa South division.
Nagtala si Mark Yee ng 11 points at 12 rebounds para pamunuan ang apat pang Tigers na umiskor sa double digits at idiskaril ang coaching debut ni Beaujing Acot, pumalit kay Cholo Villanueva.
Umiskor si Chester Saldua ng 14 points at may tig-13 markers sina June Kenneth Mocon at Yvan Ludo-vice para sa Cocolife-backed Tigers, ibinaon ang Super Crunch sa 75-48.
Humataw naman ang Frontrow-backed Stars sa first quarter patungo sa 106-78 paglampaso sa Parañaque-Yabo Sports Patriots.
Tumipa sina Carlo Lastimosa at Mark Dyke ng tig-16 points para banderahan ang Stars at naglista si Jonjon Gabriel ng 13 points at 8 rebounds.
Naisuko naman ng Steel ang itinayong 20-point lead bago ungusan ang Cebu Casino Ethyl Alcohol, 86-78.
Nauna nang natalo ang Stars at Jumbo Plastics-supported Steel sa Bataan Risers, 76-77, at Bacolod Master Sardines, 89-96, ayon sa pagkakaasunod.
Kagaya ng Tigers, nakatiyak na rin ang Steel ng playoff slot sa South division sa kanilang 17-10 marka kagaya ng Stars (22-5) sa North division.