San Juan Knights ipinanalo ni Wamar

MANILA, Philippines — Nagsalpak ang 5-foot-6 na si Orlan Wamar ng career-high na 21 points mula sa 6-of-10 three-point shooting para akayin ang San Juan Knights-Go for Gold sa 112-95 paggupo sa Navotas Uni-Pak Sardines at solohin ang top spot sa 2019-20 Chooks-to-Go MPBL Lakan Season.

“Kailangan ko talagang magsipag dahil ganito yung height ko, maliit lang, so kailangan maging threat ako sa three points,” sabi ng dating Centro Escolar University standout.

Ito ang unang pakakataon na umiskor ang 21-anyos na si Wamar ng double figures sa una niyang 10 games.

Nagtalala lamang ang spitfire guard ng average na 3.6 points para sa kampanya ng Knights.

Nang makalapit ang Navotas sa 72-83 ay humataw ang San Juan ng 18-6 atake sa pagsisimula ng fourth period para muling makalayo sa 101-78.

“Give credit ako sa teammates ko kasi dahil sa kanila nalilibre ako. Sharing the ball, yun ang laging sinasabi sa amin ng coaches na play as a team. Going to the playoffs, importante para sa amin yun,” sabi ng tubong Talisay, Cebu na si Wamar.

Pinuri naman ni Go for Gold-backed San Juan owner Jinggoy Estrada, pansamantalang humalili kay head coach Randy Alcantara sa nasabing laro, si Wamar.

“Talagang nagpapakundisyon yung bata, sobrang sipag. It was a job well done, sana magtuluy-tuloy na yung shooting niya,” wika ni Estrada.

Samantala, tinalo ng Nueva Ecija ang Batangas-Tanduay, 85-81 habang dinaig ng Manila-Frontrow ang Rizal-Xentro Mall, 116-89.

Show comments