MANILA, Philippines — Matapos walisin ang preliminary round ng 5x5 men’s basketball tournament ng 30th Southeast Asian (SEA) Games kamakalawa, uumpisahan ng Gilas Pilipinas ang laban nito tungo sa ika-13 finals appearance.
Makakatunggali ng Gilas sa knockout semifinal ang 2015 at 2017 SEA Games silver medalist na Indonesia bandang alas-8:15 ng gabi matapos ang laban ng Thailand at Vietnam sa alas-3:45 ng hapon at sa alas-6 naman ang women’s match ng Indonesia at Malaysia.
Naiposte ng Nationals ang 3-0 na baraha sa Group A ng kumpetisyon nang magkakasunod nitong dinurog ang mga bansang Singapore (110-58), Vietnam (110-69) at Myanmar (137-67) sa kanilang hanay habang nakalusot naman sa semis ang Indonesia nang itarak nito ang 2-1 karta sa Group B.
Hindi na bago para sa Pilipinas na makaharap ang Indonesia dahil sa huling dalawang edisyon ng regional biennial meet ay pinaluhod ng Pinas ang mga ito sa finals, pero ayaw pasiguro ni Gilas head coach Tim Cone dahil alam niya ang kayang gawin ng head coach ng Indons na si Raj-ko Toroman.
Hinawakan ni Toroman ang Gilas Pilipinas mula 2009 hanggang 2011, kung saan tinulu-ngan niya ang mga ito na makuha ang ikaapat na puwesto sa 2011 FIBA Asia Championships at isa siya sa mga nagpasimula ng programa ng Gilas.
“Well, we all know who is the coach over there, we know how great it’s been with the original Gilas team. He’s contri-buted a lot to where this program is gotten to right now and we know how good he is and we know how discipline his teams are,” sabi ni Cone.
“Rajko is a good friend of mine, we respect him so much and anything can happen against them.”
Hindi rin naitago ni San Miguel gunner Marcio Lassiter ang kanyang excitement na makalaban si Toroman, na humawak at tumulong sa kanya na umangat ang laro kasama si Mark Barroca sa Gilas may ilang taon na ang nakararaan.