Matapos maghari sa Phl at Commissioner’s Cup
MANILA, Philippines — Sa pag-angkin ng mga Beermen sa kanilang ikalawang sunod na kampeo nato ay inaasahan nang pupuntiryahin nila ang pambihirang PBA Grand Slam.
“It would really be an honor kung makukuha namin ito because they are really longing for this Grand Slam,” sabi ni San Miguel head coach Leo Austria.
Una at huling nakopo ng Beermen ang PBA Grand Slam noong 1989 sa paggiya ni dating mentor Norman Black.
Makaraang pamahalaan ang 2019 PBA Philippine Cup sa pang-limang sunod na taon ay sinikwat naman ng San Miguel ang titulo ng PBA Commissioner’s Cup.
Winakasan ng Beermen ang kanilang best-of-seven championship series ng TNT Katropang Texters sa 4-2 tampok ang 102-90 panalo sa Game Six noong Biyernes.
Nakamit ng SMC franchise ang kanilang ika-27 PBA title.
Ngunit hindi ito naging madali para sa San Miguel na naglista ng 2-5 record sa likod ni one-time PBA Best Import Charles Rhodes bago ipinalit si Chris McCullough.
“We just worked hard in the gym, we worked hard at the practice. We were well focused,” sabi ng 24-anyos na si McCullough.
Ang ika-walong PBA title naman ni Austria ang nagtabla sa kanya kay Chot Reyes sa No. 5 sa all-time list.
Kinilala si guard Terrence Romeo bilang Finals MVP.
“Hindi mo kailangang laging bida, importante manalo ang team,” sabi ni Romeo, nagposte ng mga averages na 14.8 points, 4.3 assists at 2.3 rebounds sa PBA Finals.
Ang PBA Grand Slam ang susunod na target ng Beermen kung saan nila ipaparada si 6-foot-5 guard Dez Wells sa darating na 2019 PBA Governor’s Cup na didribol sa Setyembre 20.