TORONTO — Tinanggap ni veteran center Marc Gasol ang one-year player option para muling isuot ang uniporme ng NBA champions na Raptors sa susunod na season.
Ang nasabing kontrata ay nagkakahalaga ng $25.6 milyon para sa final year ng nilagdaang five-year contract ni Gasol sa Memphis Grizzlies noong 2015.
Kung hindi tinanggap ng 34-anyos na Spaniard ang naturang player option ay magiging free agent siya simula sa Linggo.
Nakuha ng Toronto si Gasol mula sa Memphis noong Pebrero.
Tumipa si Gasol ng mga averages na 13.6 points at 7.9 rebounds sa 79 regular-season games niya para sa Raptors at Grizzlies sa katatapos na season.
Naglista siya ng mga averages na 9.4 points at 6.4 rebounds sa kanyang 24 playoff games.
Si Raptors star Kawhi Leonard ay mayroon ding one-year player option sa kanyang kontrata at inaasahang magdedesisyon sa Sabado.
Sinasabing tatanggihan niya ito para maging isang free agent.
Si Leonard, posibleng lumipat sa Los Angeles Clippers, ang naging susi sa pag-angkin ng Toronto sa kanilang kauna-unahang NBA title.
Isa rin si veteran guard Danny Green sa mga Raptors regulars na sasalang sa free agency market.