Castro nagpaalam kay coach Yeng at sa Gilas

MANILA, Philippines — Sa unang pagkakataon sa loob ng pitong taon ay hindi makakasama ng Gilas Pilipinas ang batikang point guard na si Jayson Castro.

Ito ay ayon sa 32-anyos na playmaker na opisyal nang nagpaalam kay head coach Yeng Guiao na hindi makakasama sa Gilas Pilipinas na sasabak sa 2019 FIBA World Cup sa Agosto sa China.

“Naiintindihan naman nila coach Yeng ‘yung pinag-usapan namin kung bakit ako nagpapaalam muna sa Gilas and even ‘yung mga bosses sa Gilas,” ani Castro matapos ang 109-102 panalo ng TNT Katropa laban sa Columbian kamakalawa ng gabi sa 2019 PBA Commissioner’s Cup.

Ang dahilan ni Castro ay ang kanyang pamilya na nais niyang paglaanan ng atensyon matapos ang walang tigil na paglalaro ng basketball sa loob ng pitong taon dahil sa PBA at Gilas.

Simula noong 2013 kung saan naging bahagi si Castro ng silver medal finish ng Gilas sa FIBA Asia Championship upang makapasok sa World Cup, ang PBA break ni Castro na sana ay para sa pamilya niya.

Sa katunayan, matagal nang naantala ang kanyang pagpapakasal sa long-time partner na si Lyle Castro na noong nakaraang Sabado lang natuloy.

“I want to focus muna sa family ko kasi almost seven years na non-stop basketball,” ani Castro.

Ayon pa kay Castro, panahon na rin aniya upang mabigyan ng pagkakataon ang mga mas batang manlalaro na handang saluhin ang liderato sa Gilas.

“Siguro it’s time to give the younger guys naman the chance at saka alam ko naman na ready na rin sila,” wika ng point guard.

Nang tanungin kung senyales na ito ng tuluyang pagreretiro niya sa national team, isa lang ang naging sagot ni Castro.

“Siguro,” pagtatapos ng Pampanga native na na­ging two-time Best Point Guard in Asia sa pitong taon niyang paglalaro para sa Gilas.

Inaasahang mangungu­na sa pagtimon sa Gilas si­na guards Mark Barroca, Paul Lee, Scottie Thompson at Kiefer Ravena na maaari nang magsanay si­mu­la bukas matapos ang kanyang 18-month FIBA sus­pension.

Show comments