MANILA, Philippines — Patatatagin ng Adamson University ang kapit sa liderato sa pagsagupa nito sa University of the Philippines sa pagpapatuloy ng UAAP Season 81 men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Lalarga ang duwelo ng Soaring Falcons at Fighting Maroons sa alas-4 ng hapon matapos ang engkuwentro ng nagdedepensang Ateneo de Manila University at University of the East sa ala-una.
Namamayagpag ang Adamson hawak ang malinis na 3-0 rekord – ang pinakamagandang simula ng tropa sapul noong 2003.
“We need to continue what we’re doing. We just have to stay within the course, within the system. No individual player can help us win games. It’s gonna be a team effort for us to beat the other teams,” ani Adamson head coach Franz Pumaren.
Hindi maganda ang lagay nina Sean Manganti at Papi Sarr sa kanilang huling laro subalit nag-step up ang mga bench players para makuha ng Adamson ang 79-71 panalo kontra sa University of Santo Tomas.
Nais naman ng Fighting Maroons na makaba-ngon mula sa two-game losing skid na nagdala sa kanila sa 1-2 marka sa No. 5 kasama ang UST at National University.
Magbabalik na si UP coach Bo Perasol na nag-serve ng isang larong suspensiyon sa 73-89 kabi-guan ng Fighting Maroons sa Far Eastern University.
Sa kabilang banda, puntirya ng Ateneo na makuha ang ikatlong sunod na panalo para masolo ang No. 2 spot.
Mailap ang panalo sa Red Warriors na may 0-3 marka kaya’t inaasahang ibubuhos nito ang lahat para makasampa sa win column.