De La Hoya gusto ulit lumaban si Marquez

KUALA LUMPUR — Ilang beses nang tinanggihan ni Mexican great Juan Manuel Marquez ang pang-limang laban nila ni Filipino boxing icon Manny Pacquiao.

Ngunit umaasa si Oscar De La Hoya ng Golden Boy Promotions na maitatakda pa rin ang Pacquiao-Mar­quez V.

“It would be great,” pahayag ni De La Hoya. “Fight for the ages. If they fight again, we know it’s gonna be another war. People wanna see it. I would love to see it.”

Nasa Malaysia si De La Hoya para suportahan ang pagdedepensa ni Argentinian world welterweight titlist Lucas Matthysse laban kay Pacquiao ngayon sa Axiata Arena.

Ilang beses binalak ng kampo ni Pacquiao na maitakda ang pang-lima nilang pagtutuos ni Marquez, nag­retiro noong Agosto 4.

Ngunit sinabi ni Marquez, magiging 45-anyos sa Agosto 23, na gusto niyang iwanan sa mga boxing fans sa buong mundo ang ginawa niyang pagpapa­tulog kay Pacquiao sa sixth round sa ikaapat nilang pag­haharap noong 2012.

Tinalo ng 39-anyos na si Pacquiao (59-7-2, 38 KOs) si Marquez sa dalawa sa tatlo nilang laban.

Nakabangon si Marquez mula sa tatlong first-round knockdowns sa una nilang pagkikita  para ma­kapuwersa ng draw noong Mayo ng 2004.

Niresbakan naman ni Pacquiao si Marquez via split decision sa rematch nila noong Marso ng 2008 ka­sunod ang isang majority decision win noong Nob­yembre ng 2011.

Ang counter right hand ni Marquez (56-7-1, 40 KOs) sa pagsugod ni Pacquiao sa huling segundo ng sixth round ang nagpatulog kay ‘Pacman’ sa pang-apat nilang bakbakan noong Disyembre ng 2012.

Bagama’t inalok ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ng malaking premyo para muling labanan si Pacquiao, itinayo ang MP Promotions, ay tinanggihan pa rin ito ni Marquez.

Show comments