MANILA, Philippines – Dahil sa pagpaparada ng Talk ‘N Text kina No. 1 at No. 1 overall picks Moala Tautuaa at Troy Rosario ay inaasahan silang makakahanay ng nagdedepensang San Miguel.
Ngunit sa kasalukuyan ay kinakailangan nilang manalo laban sa rumaratsadang Globalport para makamit ang ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals.
Hangad na makabangon sa kabiguan, sasagupain ng Tropang Texters ang Batang Pier ngayong alas-4:15 ng hapon kasunod ang laro ng Star Hotshots at Blackwater Elite sa alas-7 ng gabi sa 2015 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Nanggaling ang Talk ‘N Text sa 84-97 pagkatalo sa San Miguel sa kanilang huling laro, habang sumasakay ang Globalport sa kanilang four-game winning streak.
Bukod kina Tautuaa at Rosario, sasandal din ang Tropang Texters kina Jayson Castro, Kelly Williams, Ryan Reyes, Matt Ganuelas-Rosser at Harvey Carey katapat sina Terrence Romeo, Stanley Pringle, Jay Washington, Joseph Yeo, Doug Kramer at Billy Mamaril ng Batang Pier.
Huling biniktima ng Globalport ay ang Mahindra na kanilang tinakasan sa overtime, 118-116, para angkinin ang ‘twice-to-beat’ bonus sa quarterfinals noong Disyembre 12.
“Going to the playoffs kailangan matibay ‘yung team. Ipinakita lang nila na ready na sila for the playoffs,” sabi ni coach Pido Jarencio sa kanyang Batang Pier.
Sa ikalawang laro, pupuntiryahin naman ng Star na talunin ang Blackwater para sikwatin ang No. 9 ticket sa quarterfinals.
Nakalasap ang Hotshots ng 83-101 kabiguan sa Barako Bull Energy noong Disyembre 13.
Tinalo naman ng Elite, ang Energy, 116-92, noong Disyembre 11 na tinampukan ng 38-points ni dating Barako Bull guard Carlo Lastimosa.