MANILA, Philippines - Umabot sa record na 215 aspirante, kasama dito ang 26 Fil-foreign players, ang lalahok sa darating na 2015 PBA D-League Rookie Draft.
Ang listahan ng mga Fil-foreign cagers ay pinangu-ngunahan ni Fil-American Avery Scharer, isang unrestricted NBA free agent na sumikat sa ASEAN Basketball League sa assists at steals noong nakaraang season.
Nakatakda ang PBA D-League Draft sa Dec. 1 sa PBA Café sa Ortigas, Pasig City.
Ang 29-anyos na si Scharer, produkto ng Shoreline Community College sa Washington ay naglaro para sa Westports Malaysia Dragons sa Malaysian National Basketball League (MNBL) at sa ABL. Isa siyang undrafted player noong 2010 NBA Draft.
“Wow. This is a huge pool. Certainly, this is an encouraging development for the league and basketball in general,” gulat na gulat na wika ni PBA Commissioner Chito Narvasa sa nasabing bilang ng mga aspirante.
Bubuksan ng PBA D-League ang kanilang sixth season sa Enero ng 2016 kung saan pitong koponan ang mag-aagawan para sa Aspirants’ Cup.