MANILA, Philippines – Determinado ang Ateneo na walisin ang finals series, ngunit inaasahan ang pagresbak ng National University dahil sa paglalaro ni ace guest player Dindin Santiago-Manabat sa Game Two ng Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference Finals sa Linggo sa The Arena sa San Juan City.
Sa kabila ng pagbabalik ni Manabat, kumpiyansa si MVP Alyssa Valdez ng Lady Eagles na muli nilang tatalunin ang Lady Bulldogs kahit wala si coach Tai Bundit.
“We had a good preparation for this conference and we hope to continue to play the way we did in Game One,” wika ni Valdez na humataw ng 20 hits, kasama dito ang 15 attack points sa panalo ng Ateneo sa NU sa Game One at angkinin ang MVP trophy sa mid-season conference ng ligang itinataguyod ng Shakey’s katuwang ang PLDT Home Ultera.
Binanderahan ni Valdez ang Lady Eagles sa 25-19, 25-13, 25-23 paggupo sa Lady Bulldogs kung saan hindi nakalaro si Manabat.
“Dindin will be a big factor in Game Two. Actually, NU is a strong team without her and will only get stronger with her back in the fold,” ani Valdez.
Ngunit iginiit ni NU coach Roger Gorayeb na dapat pa rin nilang limitahan si Valdez at ang Ateneo sa pamamagitan ng magandang service reception at floor defense.
Kung mananalo ang Lady Bulldogs sa Lady Eagles sa Game Two, isasaere sa GMA News TV Channel 11, ay itatakda ang Game Three sa Oktubre 4, ayon sa nag-oorganisang Sports Vision.