MANILA, Philippines - Pangalawang dikit na panalo ang pag-aagawan ng apat na koponang nagwagi sa pagbubukas ng 78th UAAP men’s basketball na magpapatuloy ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Susukatin ng La Salle Green Archers ang tibay ng UP Maroons sa unang laro sa ganap na ika-2 ng hapon bago makita ang tapatan ng FEU Tamaraws at UST Tigers dakong alas-4 ng hapon.
Sa apat na ito ay ang FEU ang may pinaka-impresibong panalo dahil dinurog nila ang Ateneo Eagles, 88-64 para pangatawanan ang pagiging team-to-beat sa season.
Ginamit ng FEU ang kahanga-hangang 51% shooting para dominahin ang Eagles sa kabuuang laban.
Alam naman ni coach Nash Racela na nakapanggulat lamang sila at aminadong mahihirapan na mapanatili ang magandang shooting kaya’t nananalig siya na ang hindi mawawala ay ang depensang ipinakita lalo pa’t ang Tigers ay may mga mahuhusay na manlalaro.
Galing ang Tigers sa 70-64 panalo sa Adamson Falcons at sina Ed Daquioag at Kevin Ferrer ay tumapos gamit ang 28 at 24 puntos.
Ang dalawa ay inaasahang magtatrabaho rin pero isang manlalaro na tiyak na babawi sa di magandang ipinakita ay si Karim Abdul na mayroon lamang pitong puntos.
Inaasahang mas magandang laro ang makikita sa Archers na kinailangang kakitaan ng tibay sa endgame bago nakumpleto ang 67-63 panalo sa nagdedepensang National University Bulldogs.
Si Jeron Teng na tumapos taglay ang 18 puntos, ang mangunguna uli pero dapat na masuportahan uli siya ng iba pang kakampi para matapatan ang inaasahang ins-piradong paglalaro ng Maroons.
Tinapos ng UP ang apat na taon na hindi nananalo sa opening day sa pamamagitan ng 62-55 panalo sa UE Warriors.
Malayo ang kalidad ng UE sa La Salle pero tiwala si rookie UP coach Rensy Bajar na ‘di uurong ang kanyang tropa. (AT)