MANILA, Philippines - Sa kanilang muling pagkikita nina Manny Pacquiao at Briton superstar Amir Khan sa Fitzroy Lodge Boxing Club sa London ay hindi naiwasan ang espekulasyon para sa kanilang paghaharap.
Ito ay kung hindi na naman mapaplantsa ang bakbakan nina Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“Yes, there’s a big possibility, nothing personal, we’re just doing our job in the ring,” sabi ni Pacquiao sa panayam ng Sky Sports News HQ.
Ilang beses naging sparmate ni Pacquiao si Khan sa Pilipinas sa ilalim ni chief trainer Freddie Roach.
Hindi na rin mabilang ang pagkakataon na nag-iwasan sina Pacquiao at Khan para maglaban sa ibabaw ng boxing ring.
“Even though we have that friendship, if it makes sense then it’s a fight that can certainly happen between us,” sabi ng 28-anyos na si Khan. “I want to fight the biggest and best names out there and Manny is definitely among them.”
Ayon kay Pacquiao, hindi mahirap na itakda ang kanilang laban ni Khan, dating world welterweight titlist.
“It’s not difficult for us because we respect each other and we’re just doing our job in the ring,” wika ng Filipino world eight-division champion na si Pacquiao, kamakalawa ay nakasama si Prince Harry sa isang hapunan.
Hindi pa rin naaayos ang negosasyon para sa mega showdown nina Pacquiao at Mayweather.
At kung tuluyan na naman itong mababasura ay si Khan ang opsyon ni Pacquiao.
Samantala, ikinagulat ni Showtime Sports Executive Vice President and General Manager Stephen Espinoza ang mga pahayag ni Bob Arum ng Top Rank Promotions.
“Signing what? No contract has been drafted yet. “@foxynumerouno: Did Manny agree to Floyds terms? If yes, why isn’t Floyd signing?” sabi ni Espinoza sa kanyang Twitter account.
Inihayag na ni Arum ang pagpayag ni Pacquiao sa lahat ng kagustuhan ni Mayweather para maitakda na ang kanilang banggaan.
Ito ay mula sa 40/60 purse split hanggang sa pagsailalim sa isang Olympic-style random blood at drug testing.
Iginiit ni Arum na ang pirma na lamang ni Mayweather ang kanilang hinihintay.
“What the hell is everyone signing???” dagdag ni Espinoza sa nasabing pahayag ng promoter.
Para matuloy ang Pacquiao-Mayweather mega showdown ay kailangan ding magkasundo ang Showtime/CBS at HBO.
Si Pacquiao ay lumalaban sa ilalim ng HBO, habang nasa Showtime/CBS si Mayweather.
Minsan na ring sinabi ng American world five-division titlist na lalabanan niya si Pacquiao kung lilipat ito sa kanyang boxing promotion.