MANILA, Philippines – May naaasahan si Rain or Shine head coach Yeng Guiao na kamador sa katauhan nina Jeff Chan at Paul Lee.
Mas lalo pa siyang natutuwa sa tuwing may ibang Elasto Painter na tumutulong sa produksyon nina Chan at Lee.
Sa 98-95 panalo ng Rain or Shine laban sa Alaska noong nakaraang Biyernes, tumapos si Beau Belga na may 16 points, tampok dito ang back-to-back layups sa huling tatlong minuto ng fourth quarter.
Humaltak din siya ng 12 rebounds para sa kanyang unang double-double output sa 2014-2015 PBA Philippine Cup.
Sa pag-angkin naman ng Elasto Painters sa isa sa dalawang outright semifinals berth, tumipa si Belga ng career-tying na 21 points, kasama dito ang limang three-point shots, para sa kanilang 100-90 pananaig kontra sa Ginebra Gin Kings noong Linggo.
“Kailangan pa rin na-ming maglaro. Mahirap pumasok ng playoffs na galing kami sa talo eh, kasi yun ang laging nire-remind ni coach,” sabi ni Belga na nagtala ng mga averages na 18.5 points at 8.5 rebounds sa huling dalawang sunod na panalo ng Rain or Shine para hirangin bilang Accel-PBA Press Corps.-Player of the Week. (RC)