Ika-4 PCA title kay Capadocia; first time naman ni Tierro

MANILA, Philippines - Sa ikaapat na sunod na taon ay dinomina ni Marian Jade Capadocia ang women’s singles, samantalang si Patrick John Tierro ang bagong hari sa men’s singles.

Magaang dinispatsa ng 19-anyos na si Capadocia si fourth seed Maika Tanpoco, 6-1, 6-0, para maidepensa ang kanyang titulo sa 33rd Philippine Columbian Association (PCA) Open na inihahandog ng Cebuana Lhuillier at Metro Global Holdings sa PCA indoor courts sa Paco, Manila.

“Pinag-aralan ko lang muna ang galaw niya para alam ko kung paano ko siya aatakihin,” sabi ni Capadocia kay Tanpoco.

Kinuha ni Capacodia ang premyong P50,000 at P25,000 ang natanggap ni Tanpoco.

Sa men’s singles, ipinagkait naman ng top seed na si Tierro kay Johnny Arcilla ang hangad nitong masungkit ang pang-siyam na korona.

Tinakasan ng 29-anyos na si Tierro ang 34-anyos na si Arcilla, 7-6 (4), 7-6 (4), 2-6, 6-3 para sikwatin ang titulo sa men’s singles na tumagal ng halos apat na oras.

Ito ang kauna-unahang PCA Open title ni Tierro sa torneo matapos ang apat na beses na pagtatapos bilang runner-up.

Napasakamay ni Tierro ang premyong P100,000, habang P50,000 ang napunta kay Arcilla.

Sa doubles, yumukod sina Capadocia at kapatid nitong si Jella kina Marinel Rudas at Edilyn Balanga sa finals, 5-7, 6-2, 5-7.

Sina Arcilla at Kyle Joshua Dandan naman ang namayani sa men’s doubles nang talunin sina Joseph Arcilla at Kim Saraza, 6-4, 6-3.

 

Show comments