MANILA, Philippines – Hindi na dadanas ng masasakit na kabiguan ang mga national athletes sa malalaking kompetisyon kung mapapatotohanan ni POC president Jose Cojuangco, Jr. ang kanyang mga plano.
Sa kanyang talumpati sa send-off ceremony para sa pambansang delegasyon na kakampanya sa Asian Beach Games sa Phuket, Thailand noong Biyernes ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City, binanggit ni Cojuangco ang napipintong pagsisimula sa pagpapatayo ng makabagong training center sa Clark Field sa Pampanga at ang nakaumang na intensibong pagsasanay ng mga atleta para sa 2015 SEA Games sa Singapore.
“I’d like to give you this very good news because its almost in the bag. We’re getting 50 hectares in Clark Field, we will putting up finally our own training center. Initial budget for that is P3.5 billion, I think meron na tayong pera,” wika ni Cojuangco.
Ang pahayag ay para maisantabi ang naunang pangamba ni PSC chairman Ricardo Garcia na nasa alanganin pa ang usapin sa lupa sa Clark para pagtayuan ng bagong training center dahil wala pang napipirmahan na dokumento.
Ang P3.5 bilyon ay kukunin ng POC mula sa kanilang bahagi sa magiging benta ng Rizal Memorial Sports Complex na pag-aaari ng Siyudad ng Manila.
Kasabay nito ay inihayag din ng 80-anyos na si Cojuangco ang pagpili ng 150 hanggang 200 atleta na isasalang sa programa na hangad ang makitang humusay ang mga ito sa paglalaro.
Bibigyan ng tirahan, nutrition, conditioning program at mas matitinding pagsasanay ang mga mapipili upang mas maging handa para sa SEA Games sa Singapore.