MANILA, Philippines - Nais masundan ng Cagayan Valley Rising Suns at Café France Bakers ang nakuhang magandang panalo habang magpapatibayan ang Hapee Fresh Fighters at Tanduay Light Rhum Masters sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants’ Cup ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Hindi pa rin makakasama ng Rising Suns ang top pick sa rookie draft na si 6’7” Moala Tautuaa pero matibay pa rin ang tsansa laban sa Bread Story-Lyceum matapos ang magandang ipinakita ng mga baguhan at beterano ng koponan.
Ang labanan ay magsisimula sa ganap na ika-12 ng tanghali at huhugot ng lakas sa mga bagong saltang sina Michael Mabulac at Alex Austria bukod pa sa mga su-bok nang gunners na sina Adrian Celada at Don Trollano.
Si Mabulac ay may 20 puntos at 13 rebounds habang sina Austria, Celada at Trollano ay nagsanib sa 37 puntos para sa 94-86 panalo ng Cagayan sa MJM Builders.
Ipamamalas ng Bakers na palaban sila sa conference na ito sa pag-asinta ng ikalawang dikit na panalo kontra sa Racal Motors bago humalili sa court ang Fresh Fighters at Rhum Masters dakong alas-4 ng hapon.
Papasok ang Bakers sa laro galing sa 86-59 pagdurog sa MP Hotel Warriors pero hanap ni coach Edgar Macaraya ang makapagdomina uli lalo pa’t ang unang katunggali ay bagito pa lamang sa liga.
Tiyak na mainit ang bakbakan ng Hapee at Tanduay matapos ang pangyayari na naganap bago ang aktuwal na bakbakan.
Matatandaan na nawala ang second pick overall na si Chris Newsome sa Tanduay at napunta sa Hapee dahil hindi nabigyan ng offer sa takdang panahon.
Nadugtungan pa ito nang sabihin ni Rhum Masters coach Lawrence Chongson na ang Hapee ay pinatatakbo ng grupo ni businessman/sportsman Manny V. Pa-ngilinan dahil tulad ng NLEX Road Warriors ay pinahintulutan ito ng liga na kumuha ng matitinding manlalaro.
Ang akusasyon ni Chongson ay nagresulta para patawan siya ng pamunuan ng liga ng one-game suspension at multang P150,000.00. (AT)