Alam na ni Manny ang gagawin niya - Buboy

MANILA, Philippines – Si Chris Algieri ay hindi kilalang hard hitter base sa kanyang record na 20-0-0 kasama ang 8 KOs, ngunit sinabi ni Buboy Fernandez, ang kaibigan at training assistant ni WBO welterweight champion Manny Pacquiao, na hindi niya binabalewala ang lakas ng wala pang talong American challenger.

Pinanood ni Fernandez ang mga tape ng laban ni Algieri at kumbinsido siyang may kakayahan ang 5’10 New Yorker na makapagpabagsak.  “Kailangang bantayan ni Manny ang left jab, left hook at right uppercut sa gitna ni Algieri,” wika ni Fernandez.  “Yun ang laging pinapakawalan ni Algieri.”

Sinabi ni Fernandez na dapat maabangan ni Pacquiao ang panggagalingan ng mga suntok ni Algieri kung saan masusubukan ang kanyang depensa sa kanilang pagkikita sa Macau sa Nov. 23.

Ayon kay Fernandez, kapag sumasandal si Algieri sa ropes ay naaalala niya sina Antonio Margarito at Erik Morales na tinalo pareho ni Pacquiao.

“Gumaganti si Margarito kapag itinutulak mo siya sa ropes at ginagawa rin ito ni Algieri minsan,” ani Fernandez.  “Kay Morales, umaatras siya na ginagawa rin ni  Algieri minsan.  Alam na ni Manny ang gagawin niya sa mga style na ‘to kaya hindi siya magugulat kapag ginawa ito ni Algieri.”

Nang tanungin kung aabot ang laban sa 12 rounds, sinabi ni Fernandez na depende ito kung tatakbuhan ni Algieri si Pacquiao.

“Kung tatakbo siya (Algieri), medyo matatagalan bago siya mahuli,” wika ni Fernandez.  “Kung hindi siya tatakbo, mabilis lang. Tingin ko mas mabilis si Manny kay Algieri. Kung tatakbo siya, hahabulin siya ni Manny at aatakihin siya.”

Sinabi ni Fernandez na nasa magandang kon-disyon na si Pacquiao at handa nang labanan si Algieri. Maski si Roach ay walang reklamo sa pa-ngangatawan ni Pacquiao.

Kamakalawa ay tumimbang si Pacquiao ng 142 pounds. Ang welterweight limit ay 147 subalit maglalaban sina Pacquiao at Algieri sa catchweight na 144.

Kumpiyansa si Roach na kung gusto ni Pacquiao na lumaban sa light welterweight class ay magagawa niya ito sa timbang na 140. (QH)

Show comments