MANILA, Philippines – Pinitas ng Ateneo De Manila University ang kanilang unang UAAP swimming championship double makaraang magbida sa Season 77 men’s at women’s divisions sa Rizal Memorial Swimming Pool noong Linggo.
Sa pangunguna ni 2014 Incheon Asian Games ve-teran Jessie Khing Lacuna, humakot ang Blue Eagles ng 540 points para agawan ng korona ang University of the Philippines na nagtala ng 325 points.
Lumangoy ng gold medals na pawang mga bagong record sa 200-meter individual medley (2:05.59), 400-meter freestyle (4:04.86), 100-meter butterfly (56.01), 200-meter freestyle (1:53.02), 50-meter butterfly (25.47), 400-meter individual medley (4:37.10) at 200-meter butterfly (2:03.93) para sa maximum na 105 points, hinirang si Lacuna bilang men’s Most Valuable Player.
Ito ang ikalawang men’s championship ng Ateneo sa nakaraang tatlong taon.
Bukod kay Lacuna, nagbida rin para sa Blue Eagles si Aldo Batungbacal na kinilalang Rookie of the Year matapos burahin ang 13-year old record ni Timmy Chua sa 200-meter breaststroke para sa kanyang bagong league mark na 2:24.23 tungo sa pagkolekta ng 90 points.
Tumapos sa ikatlo ang University of Santo Tomas sa nailistang 187 points.
Nagreyna naman ang Lady Eagles, nakamit ang una nilang swimming crown noong 2008 sa likod nina Nikki Santiago, Ian Banzon at Heidi Gem Ong, sa naiposteng 468 points para agawan ng korona ang UP Lady Maroons (430).
Kinilala si rookie transferee Hannah Dato bilang MVP matapos humakot ng kabuuang pitong gold medals at binura ang mga UAAP mark sa 200-meter individual medley (2:21.66), 400-meter freestyle (4:30.76), 100-meter butterfly (1:02.22), 200-meter freestyle (2:07.87), 50-meter butterfly (28.20), 400-meter individual medley (5:05.08) at 200-meter butterfly (2:19.71) para sa kanyang nalikom na 105 puntos.
Si Ariana Herranz ng Ateneo ang hinirang na top rookie sa women’s division sa kanyang 80 points.
Pumangatlo ang La Salle sa kanilang 121 points.
Sa juniors division, kinuha ng Ateneo ang kanilang ika-10 sunod na boy’s title sa hinakot na 544 points kasunod ang UST (318) at La Salle-Zobel (211), habang ang UST ang nanguna sa girl’s side sa kanilang 360 points para talunin ang UP Integrated School (317) at La Salle-Zobel (23).