Love tumiwalag sa us pool

LAS VEGAS - Mas minabuti ni Minnesota Timberwolves star forward Kevin Love na huwag maglaro para sa United States sa darating na FIBA World Cup.

Ito ay para makaiwas si Love sa anumang injury na maaaring makagambala sa pinaplantsang deal sa kanya ng Timberwolves at ng Cleveland Cavaliers.

Si Love ay miyembro ng 2012 London Olympic gold-medal US team.

Hindi makakasama si Love sa training camp ng US pool sa Las Vegas, Nevada na magsisimula sa Lunes.

Nagtala ang Timberwolves ng 40-42 record noong nakaraang season at nabigong makapasok sa NBA playoffs sa kabila ng pagtatala ni Love ng mga ave­rages na 26.1 points, 12.5 rebounds at 4.4 assists a game.

Gusto ng Cleveland Cavaliers, nakuha sina four-time NBA Most Valuable Player LeBron James at guard Kyrie Irving, na hugutin si Love para mabuo ang sarili nilang “Big Three”.

Ngunit ilang linggo pa ang hihintayin ng Cavaliers para makumpleto ang kasunduan.

Ito ay dahilan sa ang kinuhang 2014 top NBA draft pick na si Andrew Wiggins ay hindi kaagad maipamimigay ng Cleveland.

Sa hanay ng US team, tanging sina centers Andre Drummond ng Detroit at DeMarcus Cousins ng Sacramento ang makakapantay sa laki ni Love.

Show comments