MANILA, Philippines - Susubok ang dating SEA Games long jump queen Marestella Torres na makakuha ng puwesto sa ipadadalang delegasyon sa Asian Games sa Incheon, Korea sa paglahok niya sa 2014 Hong Kong Inter-City Athletics Championships.
Ang kompetisyon ay gagawin mula Hunyo 28 at 29 at hanap ni Torres na makalundag ng hindi bababa sa 6.40-metro para malagay sa unang limang long jumpers mula Asia at makakuha ng tikit sa Incheon.
Huling nasalang sa malaking kompetisyon ang 33-anyos na si Torres noon pang 2012 London Olympics at siya ay nagtala ng 6.22 metro para tumapos sa 22nd sa 32 na naglaro.
Napahinga si Torres at nawala sa national team dahil isinilang niya ang kanilang unang anak ni national shotput artist Eleazer Sunang
nitong Enero.
Si Jim Lafferty ang humahawak kay Torres ngayon at makikita ang masinsinang pagsasanay na kanilang ginawa sa Hong Kong.
Naunang ipinasa ng Task Force Asian Games na pinangungunahan ni PSC chairman at Chief of Mission Ricardo Garcia, ang criteria na dapat ay top five ang isang atleta sa hanay ng mga Asian athletes sa kanyang event para masama sa delegasyon.
Kasama si Lafferty ng two-time Olympian na si Torres na noong 2010 Asian Games sa Guangzhou China ay nakalundag ng 6.49 metro pero nalagay lamang sa pang-apat na puwesto.
Ang pinakamalayong lundag ni Torres ay naitala noong 2011 SEA Games sa Palembang, Indonesia sa 6.71-metro na siya ring meet at Philippine record.
Kung malasin si Torres, puwede pa siyang sumubok para sa pambansang delegasyon sa Vietnam Open sa Hulyo dahil sa Agosto 15 pa puwedeng magpatala ang mga atletang naghahabol ng puwesto patungong Korea. (AT)