5th FIBA Asia Cup sa Wuhan, China; Jordan kasama ng Pinas sa grupo

MANILA, Philippines - Magkakasama ang Pilipinas at Jordan sa isang grupo habang ang Iran at China ang magsasama sa kabila matapos ang draw para sa 5th FIBA Asia Cup na gagawin sa Wuhan, China mula Hulyo 11 hanggang 19.

Ang Gilas Pilipinas na nakatakdang maglaro sa FIBA World Cup at Jordan ay sasamahan pa ng bansang Singapore, Chinese Taipei at Uzbekistan sa Group B habang ang Iran at China ay aaniban din ng Japan, India at Indonesia sa Group A.

Ang nationals ay ga-ling sa pangalawang puwestong pagtatapos sa idinaos na FIBA Asia Men’s Championship sa Pilipinas noong nakaraang taon at pakay ng tropa ni coach Chot Reyes ang higitan ang pang-apat na puwestong pagtatapos na nangyari noong 2010 sa Beirut, Lebanon at 2012 sa Tokyo, Japan.

Sumali rin ang Pilipinas noong 2004, ang unang edisyon ng torneo na dating nakilala bilang Stankovic Cup, sa Chinese Taipei at tumapos ang koponan sa  ikawalong puwesto. Lumiban ang bansa sa ikalawang edisyon noong 2008 sa Kuwait.

Inaasahang palaban ang pambansang koponan ngayon dahil sa pagpasok ng Brooklyn Center Andray Blatche bilang ikalawang naturalized player kasunod ni Marcus Douthit.

“The draw promises some great competition,” wika ni FIBA Asia secretary general Hagop Khajirian na siyang sumaksi sa draw ceremony sa Wuhan noong Linggo.

Ang Iran na siyang nagkampeon sa 2013 FIBA Asia at nagdedepensang kampeon ng torneo, ay gagamitin ang kompetisyon bilang paghahanda sa World Cup tulad ng Pilipinas.

“The 5th FIBA Asia Cup therefore is training ground for Iran and Phi-lippines who are heading to Spain. The 5th FIBA Asia Cup is also a training ground for all other teams who are aiming to make a mark in next year’s FIBA Asia Championship,” dagdag ni Khajirian.

Ang mananalo sa torneo ay makakakuha na agad ng puwesto sa FIBA Asia Championship sa 2015 sa ‘di pa tinukoy na bansa. (AT)

Show comments