MANILA, Philippines - Sinamantala ni apprentice rider JL Paano ang maluwag na balya upang ibigay sa Sun Tan Tony ang panalo sa Special Handicap Race sa 1,500-metro distansya noong Sabado sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Ang pitong taong kabayo na may lahing Antonius Quis at Sunshine Cure ay itinalagang malayong third choice ngunit palaban ang tambalan para hiyain ang dehado pang Mezzanine ni JPA Guce na rumemate rin mula sa pang-apat na puwesto.
Ang Penetrator na sakay ni Jonathan Hernandez ang patok sa siyam na kabayong naglaban pero napahirapan ito dahil sa maagang paglayo ng CBisquck ni JB Guce.
Kinailangang habulin ng Penetrator ang nasa unaÂhang kabayo at ang malakas na ayre sa mga naunang yugto ng labanan ay ininda ng kabayo na binigyan pa ng pinakamabigat na handicap weight na 58 kilos.
Nasa ikawalong puwesto sa alisan ang Sun Tan Tony pero hindi ito napansin ng ibang katunggali at inunti-unti ang pagbangon hanggang sa far turn na kung saan idinaan ni Paano ang kabayo bukas na balya tungo sa panalo.
Hinigitan ng tambalan ang pang-apat na puwestong kinalagyan sa huling karera upang makapaghatid pa ng P42.50 sa win.
Mas magandang P1,316.00 ang ibinigay sa 2-4 forecast dahil malayo sa bentaang Mezzanine na nalagay sa ika-10 puntos sa huling takbo.