Pacquiao-Bradley rematch hindi tiyak ni Arum na mapaplantsa

MANILA, Philippines - Kahit manalo si Manny Pacquiao kontra kay Bran­don ‘Bam Bam’ Rios sa Nobyembre 24 ay wala pa ring katiyakan kung maitatakda ang rematch ng Filipino boxing superstar kay Timothy Bradley, Jr.

Ito ang inamin ni Bob Arum ng Top Rank Pro­mo­tions sa panayam ng Bo­xingScene.com.

Sinabi ni Arum na hin­di pumatok ang laban ni­na Pacquiao (54-5-2, 38 KOs) at Bradley (31-0-1, 12 KOs) noong Hunyo 9, 2012 kung saan tinalo ng American ang Filipi­no world eight-division cham­pion para agawin ang World Boxing Orga­ni­zation welterweight belt via split decision.

“If Pacquiao beats Rios -- I don’t know whe­ther or not that fight (Pacquiao-Bradley) could be made,” wika ni Arum. “I just don’t know.”

Matapos talunin ni Brad­ley ay pinatumba naman si Pacquiao ni Juan Manuel Marquez sa sixth round sa kanilang ikaapat na paghaharap noong Dis­yembre 8, 2012.

Noong Linggo ay ti­nalo ng 30-anyos na si Brad­ley ang 40-anyos na si Marquez via split decision.

Pag-aagawan ng 34-anyos na si Pacquiao at ng 27-anyos na si Rios (31-1-1, 23 KOs) ang WBO International wel­ter­weight belt sa Nobyembre 24 sa The Venetian sa Ma­cau, China.    

Kapwa nasa kasagsagan ng kanilang pag-eensayo sina Pacquiao at Rios.

Samantala, dahil sa ka­biguan ni Marquez kay Bradley ay tumaas ang ranggo ni Manny Pac­quiao sa listahan ng Sports Illustrated.

Umakyat si Pacquiao sa No. 3 mula sa pagiging No. 4 na dating kinalalagyan ni Marquez.

Posible pang umakyat sa No. 2 si Pacquiao kung mananalo kay Rios.

Nahulog si Mar­quez sa No. 6 kasu­nod si da­ting unified world super ban­tamweight titlist Nonito ‘The Fi­lipino Flash’ Do­naire, Jr. sa No. 7.

Nakatakdang laba­nan ng 30-anyos na si Do­naire (31-2-0, 20 KOs) ang 37-anyos na si Vic Dar­chinyan (39-5-1, 28 KOs) ng Armenia sa rematch sa isang non-title, featherweight fight sa Nobyembre 9 American Bank Cen­ter sa Corpus Christi, Te­xas.

Show comments