MANILA, Philippines - Nakatakdang idepensa ni Filipino world minimumweight champion Merlito ‘Tiger’ Sabillo ang kanyang suot na korona laban kay Carlos ‘Chocorroncito’ Buitrago ng Nicaragua sa Nobyembre 29 sa Dubai, United Arab Emirates.
Itataya ni Sabillo (23-0-0, 12 KOs) ang kanyang hawak na World Boxing Organization title kontra kay Buitrago (27-0-0, 16 KOs) sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Matagumpay na naipagtanggol ng tubong Toboso, Negros Occidental ang kanyang WBO crown matapos talunin si Colombian challenger Jorle Estrada (17-7-0, 6 KOs) via ninth-round KO noong Hulyo 13 sa Solaire Resort Hotel & Casino sa Pasay City.
Pinabagsak naman ni Buitrago si Estrada sa sixth round noong Nobyembre 25, 2010.
Nakamit ng 21-anyos na Nicaraguan ang WBO interim minimumweight title matapos biguin si Mexican Julian Yedras (21-1-0, 13 KOs) via unanimous decision noong Hulyo sa Merida, Yucatán, Mexico.
Sa ilalim nina trainers Edito at Edmund Villamor ay muling magsasanay ang 29-anyos na si Sabillo sa ALA Boxing compound sa Nasipit, Talamban, Cebu.