NBA kokontrahin ni Paul

MANILA, Philippines - Sa tingin ng ilang players, bunga rin ng buyo ng kanilang mga agents, naging ‘malamya’ laban sa liga ang dating pamunuan ng NBA players union  sa ilalim nina executive director Billy Hunter at president Derek Fisher na sinasabing malapit kay  Commissioner  David Stern at sa buong pamunuan ng NBA.

Ito ay nakita sa nakaraang lockout kung saan nakinabang ang mga small/mid-sized owners ngunit malamang na nakikinabang na rin ang iba.

Tila magiging palaban ang bagong halal na president ng players union na si Chris Paul ukol sa mga isyu na hindi magiging maganda sa mga fans.

Ilang araw pa lamang sa tungkulin si Paul ngunit iniulat ng TMZ na inaasahang magiging palaban ito kumpara sa mga nagdaang pamunuan.

Ayon sa mga source, seryoso si Paul sa kanyang bagong role at kinakausap na niya ang ibang players tungkol sa kanyang mga agenda.

Kabilang dito ang paghahanda sa pagkontra sa anumang magiging proposal ng liga ukol sa  HGH testing, pagpapatanggal sa multa sa flopping at karagdagang alituntunin sa dress code.

Maraming magiging iteresado sa pagkontra ni Paul sa flopping lalo na’t kilala siyang isa sa mga ‘floppers,’ ang kanyang pagkontra sa HGH testing at kung ano ang gagawin niyang hakbang sa pagkontra sa liga.

Ang flopping at PED ay nagpapababa sa integridad ng laro at nais makita ng fans na mamultahan ang mga gumagawa nito. Nais nilang mawala ang flopping at nais ding malaman ng fans kung ‘malinis’ ang mga players.

Siguradong magkakaroon ng tensiyon sa pagitan ng players union at ng liga.

 

Show comments