Sino ang kukumpleto ng semifinal cast?

Laro ngayon  (Quarterfinals)

(Ynares Sports Arena)

2 p.m. - JRU vs Big Chill

4 p.m. - Cebuana Lhuillier vs Cagayan Valley

 

MANILA, Philippines - Dalawa sa apat na magtatagisan ang masasama sa mga maagang namaalam sa PBA D-League Aspirants’ Cup na magdaraos ng laro ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Ang Jose Rizal University at Cebuana Lhuillier ay magtatangka na makumpleto ang pagbangon mula sa mababang seeding habang ang Big Chill at Cagayan Valley ay magsisikap na mapangatawanan ang pagkakalapag sa ikatlo at apat na puwesto tungo sa pag-hablot ng mahalagang twice-to-beat advantage.

Ang Bombers at Superchargers ang unang magtatapat sa ganap na ika-2 ng hapon bago sundan ng pagkikita ng Gems at Suns dakong alas-4.

Kinabig ng tropa ni coach Vergel Meneses ang 63-61 panalo sa Superchargers noong Martes at bagama’t kumbinsido siyang may ilalabas pa ang kanyang mga alipores, umaasa siyang magiging focus sila sa laro sa kabuuan ng tunggalian.

“Pinapahirap nila ang basketball. Kailangang maglaro rin kami ng mas magandang depensa. Pero kampante akong kaya nilang manalo sa larong ito,” wika ni Meneses.

Aasa naman si Big Chill coach Robert Sison sa pagiging beterano ng kanyang koponan upang manatiling palaban sa hangaring higitan ang pangalawang puwestong pagtatapos noong nakaraang conference.

May 84-83 panalo naman ang Gems sa Suns upang bitbitin din sa do-or-die game na ito ang 3-game winning streak.

“Sanay silang maglaro kapag mahalaga ang nakataya sa laro. Sana ay magtuluy-tuloy ito,” wika ni Gems coach Beaujing Acot.

Mas malalaki ang tropa ni Suns coach Alvin Pua pero higit dito, dapat na maipakita nila ang puso ng isang kampeon para maalpasan ang matinding hamon ng beteranong koponan.

Show comments