MANILA, Philippines - Pipili ngayong hapon ang mga kasapi ng Philippine Olympic Committee (POC) ng mga opisyales sa POC elections sa Alabang Country Club.
Inaasahang kumpleto ang 43 voting members ng POC na binubuo ng 40 NSAs, IOC representative sa bansa na si Frank Elizalde at kinatawan ng mga atleta na sina Marestella Torres at Harry Tañamor, para desis-yunan kung sino sa kanilang palagay ang mga karapat-dapat na manguna sa organisasyon hanggang 2016.
Tiyak na ang pag-upo sa ikatlong sunod na termino ni Jose Cojuangco Jr. sa pampanguluhan ng samahan dahil wala siyang makakalaban.
Ang inaasahang Temporary Restraining Order (TRO) ay hindi na rin mangyayari dahil sa biglaang pagkambiyo ni Go Teng Kok na nagdesisyong huwag nang ituloy ang panggugulo sa POC at hayaang maidaos ang eleksyon.
Mangangasiwa sa halalan ay ang 3-man election committee na itinayo ng POC na binubuo nina Victorico Chaves, Ricky Palou at Bro. Bernie Oca ngunit hindi tiyak na magiging matiwasay o walang gusot sa mangyayaring eleksiyon.
Ito ay dahil sa buhay pa ang plano ng ilang NSAs na kapanalig ni Cojuangco na alisin sa talaan si Manny Lopez na nangunguna sa tiket ng katunggaling grupo ng nakaupong pangulo.
Balak nilang kuwestiyunin ang kandidatura ni Lopez, na VP ng ABAP, lalo na kung dumating at bumoto sa nasabing asosasyon ang pangulong si Ricky Vargas.
Naihayag na ni Palou na puwedeng tumakbo si Lopez pero ipakikita ng ibang NSAs ang POC charter na kung saan nakalagay umano na hindi puwedeng tumakbo ang isang opisyal na hindi boboto para sa kanyang asosasyon.
Ganito rin ang problemang kakaharapin nina Bambol Tolentino at Jun Galindez na mga secretary-generals ng chess at golf na tatakbo bilang 2nd VP at auditor sa ilalim ng grupo ni Lopez.
Ang pangulo ng chess ay si Prospero Pichay na tatakbo bilang auditor sa Cojuangco tiket habang si Tommy Manotoc ang pinuno sa golf.
“We will push for their disqualifications if they will not be voting for their respective NSAs,” wika ng dating legal counsel ng POC na ngayon ay Table Tennis Associaton of the Philippines (TATAP) board member Atty. Wency Andanar.
Ang iba pang tatakbo sa tiket ni Lopez ay sina Monico Puentevella (chairman), Romy Ribano (treasurer) at mga board members na sina Victor Africa, Gener Dungo at Hector Navasero.
Tatapatan naman sila nina Tom Carrasco Jr. (chairman), Joey Romasanta (1st VP), Jeff Tamayo (2nd VP), Julian Camacho (treasurer), at mga board members na sina Cynthia Carrion, Jonnie Go, Ernesto Echauz at Dave Carter. (AT)