Minsan sa huntahan ng isang clinic nagkita ang magkatrabahong sina Paul at Ricky na nagpapa-medical para sa requirement sa kanilang check-up bago bumalik sa Saudi. Reklamo ni sir Paul na malapit nang mag-senior citizen, ayaw na sana niyang bumalik dahil napapagod na siyang magtrabaho. Pero kailangan niyang mag-abroad muli dahil ang panganay nito na hindi nagtapos ng pag-aaral ay manganganak na naman ang asawa.
Hindi naman galit si Mang Paul sa pagkukuwento pero dama mo sa boses nito ang panghihinayang na sana kung inuna ng anak niya ang pag-aaral, kahit paano ay makakatayo na sana ito sa sarili paa, pero hanggang ngayon ay nakaasa pa rin sa OFW niyang tatay.
Hindi naman habang buhay ay kayod marino ang mahal nating mga Overseas Filipino Workers.
Darating din ang panahon na tatanda sila o may sitwasyon na kailangan na nilang umuwi sa ating bayan para sa kanilang pagreretiro.
Karamihan sa mga kinikita ng mga nag-a-abroad na malaki ang porsiyento nito ay napupunta rin sa pag-aaral ng mga anak. Investment na ring matatawag ang pag-aaral ng mga bata, hindi para sa mga magulang kundi sa kinabukasan din ng mga anak.
Ngayon pa lang ay dapat kausapin na ang anak na pahalagahan ang kanilang pag-aaral. Hindi naman kasi lahat ng panahon malakas at kumikita ka ng pera.