MANGHA si Antonya sa sinabi ng smuggling queen. “Miranda, s-sinaniban ka ng multo ni Tililing?”
“Oo. Tandang-tanda ko, Antonya, nanginig ako bago wala na ‘kong namalayan pa sa sumunod...” “Nalintek! Paano ngayon ‘yan—kung saniban ka uli ni Tililing?” Natataranta ang amiga-alalay. Buo ang loob ni Miranda. “Hindi ko na papayagang masakop ako ni Tililing! Hahadlangan ko siya!” “Paano?”
“Hindi ko pa alam kung paano. Ang alam ko’y dapat ko munang mabatid ang naubos sa yaman ko. Papuntahin sa akin si Mang Goryo ng fishing village ngayundin.”
Dumating naman agad ang pinakalider ng fishing village. Pilit kinalaban ni Miranda ang kasungitan. “Mang Goryo, pakilahad po ang lahat ng ginawa ko habang nasa lugar ninyo kagabi.” Nasa opisina sila sa bahay ni Miranda. Nakamasid si Antonya. “Kayo po, Mam Miranda ay dumating sa bahay ko, napakabait n’yo at anyong katulad ni Padre Tililing…”
“Ano pa po, Mang Goryo…?”
“Nagbigay kayo ng tulong na pera na para sa makatwirang pagkakagastahan ng mahihirap sa amin, Mam Miranda.”
“Magkano po ang total na ibinigay kong pera?” “Ayon po sa kuwenta namin ng aming treasurer—kayo ay namudmod ng sampung milyong pisong cash.” Nayanig ang katauhan ni Antonya.
Si Miranda ay nahimatay. Uuunnn.
Nataranta naman si Mang Goryo. “Mam Miranda? Mam Antonya?” Tumakbo sa unang palapag ang matandang lalaki. Nagtawag ng guard. “Tulungan n’yo sina Mam Miranda! Dali!” Tatlong guard ang dumalo. Pinagyaman ng dalawa sina Miranda at Antonya. Ang pangatlo ay tinutukan si Mang Goryo. “Ano’ng ginawa mo kina Boss, ha, Tanda?” (ITUTULOY)